Flightless.

          Isa sa mga pinaka-ayaw kong lugar sa buong mundo ang Airport. Ayoko kasi yung pakiramdam habang hinihintay mo yung kapamilya mong lumabas dun sa arrival gate. Yung nakikita mo yung bawat pamilya na masayang nagyayakapan pagkalabas pa lang nung sinusundo nila. Yung maiiyak pa yung Tatay/Nanay pag nakita nila yung bata nilang anak na nahihiya pang lumapit sa kanila.

          Hindi ko alam kung pano ipapaliwanag yung pakiramdam ko nung susunduin namin si Mama after 5 years simula nung huli kaming magkita. Habang nakatayo kami sa labas ng gate, nagbibiruan pa kami ng mga kapatid ko. Dapat daw iiyak kami tapos sisigaw ng “Mama!” ng malakas. Ewan ko, natatawa ako pero gusto ko na talagang tumakbo pabalik sa sasakyan tapos dun ko na lang siya hihintayin. Graduation ko pa nung Elementary yung huling kita ko sa kaniya. Parang kinukurot din yung puso ko pag nakakakita ako ng Tatay/Nanay na naiiyak pagkayakap nila sa anak nila. Nag-iisip ako kung ano kaya magiging reaksyon ko paglabas ni Mama. Hindi ko na kinaya. Ito yung mga panahon na gugustuhin mong mag-yosi pero di ka nagyoyosi kaya magtiis ka. Bumalik na ko sa sasakyan at nagpasiya na dun na lang ako maghihintay.

          Pero wala nang mas pangit na pakiramdam pag naghahatid ka ng kapamilya mo paalis. Kaya di talaga ako nasama pag paalis na sila. Dito lang ako sa bahay matutulog. Magsa-soundtrip. Shutting the whole world off.

          Hanggang ngayon fresh pa rin yung feeling nung last hug namin ni Mama bago siya umalis. We just held each other there for a while. Wala na kong ibang hiniling kundi tumigil yung oras. Siguro naiisip mo, dapat sanay na ko. Pero hindi. Never akong masasanay sa pag-alis ng Nanay ko. Never akong masasanay sa distance namin. Never.


theme by heloteixeira